Friday, May 29, 2009

Tagulaylay ng naaagnas na bangkay

Itapon mo na lamang ang aking bangkay sa bangin,
Doon sa may kumpol ng mga puno ng aroma,
Nang ang pagsabit ko roo'y lubos na pigain,
Ang dugo mula sa aking katawan,
At matigmak ang buhanginan ng aking katas,
Nang ako'y may matawag na akin, sa wakas.

Sa umaga'y matatanaw ang araw, gaya ng mga umagang napanaginipan,
Kaulayaw ang hanging amihan, at ang tilamsik ng maamong alon sa dalampasigan,
Tulad ng luha sa pisnging bunsod ng pangangarap.
Matutunton ng uwak sa tanghaling tapat, pati na nang mga hantik,
Ang bawat kirot ng kanilang kagat, ay pagdaop ng palad,
Kinasadlakan ko'y tanggap, mga kaibiga't kapatid.
Sa gabi'y mga tala, nakatungo, nakamasid,
Sila'y luluha, iluluha ang buhay na binawi ng araw,
Ibabalik sa aking tuyong balat, didiligin ng pait
ang naaagnas na laman.

Ano'ng halaga ng buhay kung hindi maialay,
Sa dahilan ng paggising, sa laman ng diwa,
Sa tinatangi't dinadakila.
Ano ba ang paghinga kung hindi, ang pagbunyi sa bawat araw,
Na ika'y makasama, na ika'y makaulayaw.
Tamis ng pangarap, pangako ng pag-asa,
Ang mundo ay atin, Diyos ay mapagpala.
Ngunit ang tadhana'y mapait,
Tanikalang malupit, kaligayahang ipinagkait.
'Pag ang pag-asa'y namatay, ano pa'ng halaga ng buhay,
Kaluluwa'y nakaratay, isang buhay na bangkay.

Aking ipinanalangin, sa Diyos na mapagpala,
Bago ko gilitin, ang ugat at ang dila,
Mapurol na itak, malamig sa paghawak,
Ako'y ilapit mo, sa tinatangi't dinadakila.

Maliwanag na tala,
Uwak sa iyong bintana,
Langgam sa iyong binti,
Dampi ng hangin sa iyong pisngi't labi.
Tinik ng aroma,
Buhangin sa iyong paa,
Araw na naghahari,
Alo'ng bumabati.
Wakas,
panimula,
ngiti,
pighati,
Kamatayan,
kaligayahan,
magkasama,
Magpakailanman.



paolo maligaya

No comments: